Tuesday, April 21, 2009

PANGARAP….PAGSISIKAP….PAGTATAGUMPAY….

"PANGARAP…."

          "Inay, ano pong pangarap nyo nung bata pa kayo? Isang isang simpleng tanong na natatandaan ni Caloy noong maliit pa siya sa namayapa niyang ina. Isang katanungan na nagbalik-alaala sa kanya sa nakahapong puro kabiguan, problema, bagamat may mga bahaging masaya kasama ang kanyang masaya at magulong pamilya.

           "anak, ang magkaroon ng magandang kinabukasan,makatapos ng pag-aaral upang maiahon ko sa kahirapan ang iyong lolo at lola,maging ang aking mga kapatid" isang simpleng tugon ng kanyang ina na may bahid lungkot dahil sa kapalarang dinaranas nila ngayon.

          Lumaki si Caloy sa isang payak na purok ng Cabyas sa bayan ng Cavite. Nakatira sa isang barung-barong at walang permanenteng tirahan. Pito sila sa pamilya, ang kanyang nanay Ester, tatay Carlito at ang kanyang apat na kapatid na babae na sina Casey, Carla, Elsie, at Elsa. Nag-iisa siyang lalaki at siya rin ang bunso, nagka-isip siyang salat sa kaalaman maging sa karangyaang nararanasan ng kanyang mga kalaro. Ang nanay Ester niya ay namamasukan bilang katulong sa bayan tuwing Biyernes na gabi lamang umuuwi at bumabalik sa trabaho Lunes ng umaga. Ang tatay niya walang permanenteng trabaho, minsan magsasaka ng bukid ng kanyang Tiya o di kaya ay pagkokopra na pangkaraniwang trabaho ng mga tatay doon. Ang kanyang ate Casey bilang panganay ang syang nasa bahay. Siyang tumatayong nanay nila kapag wala ang kanyang ina. Ang sumunod na dalawa na sina Carla at Elsie ay namamasukan bilang tindera sa bayan at ang kanyang ate Elsa naman ay kasama niya sa bahayNagkaisip siya sa isang payak na pamumuhay. Ang ulam madalas tuyo, sardinas at kung minsan karne kapag nagkakaroon ng pera ang kanyang ina maging ang kanyang mga kapatid at ang kanyang itay.
Sila lang ni ate Elsa niya ang nag-aaral, siya na nasa ikalawang baitang at ang kanyang ate na nasa ika-apat na baitang. 


          Masipag siyang mag-aral bagamat isa siyang patpating bata. Patpatin unang-una ayon sa kanyang guro kulang na kulang daw siya sa bitamina. Lingid sa kaalaman ng kanyang guro, payat siya dahil sa kawalan ng tamang oras ng pagkain, maging ang kawalan ng sustansya ng kanyang kinakain kung meron man.
         

          Nagsisikap siya sa kanyang pag-aaral mula sa unang baitang napanatili niyang maging una sa klase, at eto sa ikalawang baitang nagtapos siyang una ulit sa klase.

          Hanggang sa isang araw, bakasyon na nila, nasa tabing kalsada siya ng may biglang dumating na sasakyan, isang matandang babae,hinahanap ang kanyang itay at inay, at dahil wala sila, ang ate Casey lang niya ang kanilang nakausap, hindi ito pumasok ng kanilang bahay bagkus nag-usap lng sila sa tabi ng sasakyan.


           “ Ang batang iyon ay iyong kapatid di'ba?” Tanong nito sa ate Casey niya sabay turo sa kanya.
           “ Opo bakit po?” balik tanong ni Casey 
           “ Wala napadaan lang kami dito pakisabi sa Inay mo kapag umuwi na mamaya na dumaan dito si Mrs. Castro, sabihin mo babalik kami sa Lunes” turan ng bisita.
           “ Makakarating po”

           Sa madaling salita ang layunin ni Mrs. Castro ampunin si Caloy. Hanggang sa dumating ang araw na di inaasahan ni Caloy, nalaman niya sa kanyang ina na aampunin siya ni Mrs. Castro na ayon mismo sa kanyang ina siya ang dating amo nito sa bayan kung saan dati siyang naninilbihan.


           Isang magulong parte ng buhay ang pinagdaan ni Caloy, kung paano siya nakumbinsi ng kanyang mga magulang maging ng kanyang mga kapatid na pumayag siyang paampon sa naturang ginang.


"PAGSISIKAP…."

            Isang araw, nakatakda na siyang isama ni Mrs. Castro papuntang Maynila kung saan ito permanenteng naninirahan. Bagamat isang napakahirap na desisyon ang kinaharap ng kanilang pamilya, maging sa mura niyang edad, pilit niyang itinanim sa kanyang murang isipan “para ito sa kinabukasan ko, ng aming pamilya na akong mag-aahon sa kanila sa kahirapan.” Iyon ang mga pangakong binitawan niya bago siya lumabas ng kanilang barong-barong, dala ang pangakong iyon kasama ang dasal na sana matupad anuman ang pinangako ni Mrs. Castro sa kanyang pamilya.

            Hanggang sa lumipas ang halos walong taon, heto at magtatapos na sya ng haiskul, katuwang ang nag-ampon sa kanya bagamat nandiyan pa rin ang kanyang mga magulang maging ang kanyang mga kapatid. Natupad ang lahat ng pinangako ni Mrs. Castro, itinuring siyang tunay na anak bagamat may pamilya ito na nasa Amerika kasama ang kanyang asawa. Dalawa sila sa bahay, lumaki siyang sagana sa pag-aaruga ng isang tunay na ina, pinansyal, suportang moral maging sa kanyang pag-aaral.

  
            Hanggang sa isang pangyayari ang gumimbal sa kanyang pagkatao, na hindi rin niya sukat akalain. Tatlong araw bago ang kanyang pagtatapos, umuwi siyang pagod na pagod, pagdating niya sa kanilang tahanan, nadatnan niya ang napakagulong salas, agad siyang kinabahan sa di-malamang dahilan pagpasok niya sa kwarto ng nagpa-aral sa kanya natagpuan niyang nakadandusay ito sa ibabaw ng kama, naliligo sa sariling dugo.


           Dagli siyang tumawag ng tulong sa kanilang mga kapitbahay,isinugod ito sa ospital ngunit hindi na umabot ng buhay.


            Isang nakapanlulumong pangyayari sa kanyang buhay. Umuwi ang panilya ni Mrs. Castro galing Amerika pasalubong sa kanya ang galit at sama ng loob kasama ang bintang na pinabayaan niya iyon. Hindi pa man naililibing ang labi ni Mrs. Castro nakakaramdam na siya ng kakaiba sa pamilya nito. Nararamadamn niyang hindi na siya parte ng pamilyang ito. Nanahimik siya, inirespeto niya ang labi nito hanggang sa ilibing. Baon ang kanyang pasasalamat sa mga tulong na naibigay nito sa kanya upang marating niya ang daan tungo sa panibagong landas na kanyang tatahakin sa kolehiyo. 


            Nakalipas ang kanyang pagtatapos ng hindi siya nakadalo dala ng pangyayari sa kanyang buhay. Bago pa mag ika-apatnapung araw, pinaalis na siya ng mga anak ni Mrs. Castro sa bahay na iyon. Masama man ang loob wala siyang nagawa kundi ang umalis, hindi niya nagawang ipagtanggol ang kanyang sarili sa mapanghusgang pamilya ni Mrs Castro. Sinisisi siya ng pamilya nito na kung hindi siya dumating sa buhay ng matanda marahil ay nasa Amerika na ito kasama ang kanyang mga anak at di nangyari ang naturang trahedya. Isang kalagayang hindi niya sukat akalain na maririnig niya sa mga ito sa kabila ng pagiging mababang loob niya na siya niyang kinamulatang pangaral ng namayapang si Mrs Castro. 


"PAGTATAGUMPAY…"

          Umalis siya ng bahay dala ang mga damit, hindi alam kung saan patungo, kung uuwi siya ng probinsya sa kabila ng kawalan niya ng pera, o mananatili dito sa Maynila, 
Nagpalipas siya ng gabi sa parke, bumuo siya ng isang desisyon na siyang naging daan upang makalimot sa trahedyang dinanas. 


           Kinaumagahan nag-apply siya bilang panadero laking pasasalamat niya dahil stay-in siya sa naturang trabaho. Natanggap siya dala na rin siguro ng tiwala kasama ang awa habang maluha-luha niyang idinedetalye ang nangyari sa kanya.


           Makalipas ang isang taon, nag-aral siya sa kolehiyo sa kurso bilang isang inhenyero, nagtatrabaho siya sa araw at nag-aaral sa gabi mula alas kwatro ng hapon hanggang alas diyes ng gabi. Bago matulog nagbabasa muna siya ng kanyang mga aralin para sa kinabukasang klase ng sa gayon hindi na niya ito pag-aaralan pa. Gigising siya alas kwatro ng umaga upang gumawa ng tinapay katuwang ang dalawang panadero. Pagdating ng alas sais ilalako niya ang pandesal upang ang konting parte nito ay maging baon niya sa kanyang pagpasok. Minsan kinukumusta siya ng kanyang nanay maging ng mga kapatid niya na nagsipag-asawa na.


           Nagsikap siya dala ang pangakong kailangan niyang matupad ang kanyang pangarap upang makatulong sa kanyang mga magulang.


           Hanggang sa isang pagkakataon ang kumatok sa kanyang pintuan upang ipadala siya sa Dubai upang doon magpatuloy ng kanyang pagiging inhenyero sa tulong ng pamahalaan bilang eskolar. Pinagbuti niya ang kanyang pag-aaral doon hanggang sa isa na namang trahedya ang kanyang natanggap, pumanaw na ang kanyang ina dahil sa kumplikasyon sa dugo. Muli siyang umiyak na sa pangalawang pagkakataon muling nawala ang babaeng mahalaga sa kanyang buhay. Wala siyang nagawa kundi ang humagulhol ng iyak habang kausap ang kanyang ama’t mga kapatid sa telepono. Hindi siya pwedeng umuwi dahil sa trabahong naka-atang sa kanyang balikat.


           Nagpakatatag siya sa panibagong hamon ng buhay niya,lumaban siya upang sa kanyang pag-uwi bagamat wala na ang naging dahilan bakit siya nagtagumpay sa kanyang pinasok sa propesyon. At heto siya ngayon isang sikat na inhenyero sa Dubai hawak ang malalaking kontrata sa pagtatayo ng mga gusali doon.

 
           Isang hamong nagbigay-daan sa kanyang matagumpay na kapalaran.Dala-dala ang minsan naging mapait na ala-ala.

.....abangan ang karugtong...
 


2 comments:

  1. anong name ng parents mo, sino ang mga pinsan mo at kumusta daw sabi ni sir edgar l. jardeleza naging pupil ka raw niya sa mampaitan.

    ReplyDelete
  2. wow!now q lng npansin ung comment nyo..musta din po sa kanya

    ReplyDelete