ALAMAT NG MAGAPUA
Panahon noon ng pananakop ng Espanya sa ating bansa. Nasa kamay nila ang malalawak na lupain , mga bayan at mga probinsiya na noo’y iilan pa lang ang may pangalan.
Katunayan, ang ating isla ng Marinduque ay nasa pamumuno ng Gobenadorcillo na nasa Mindoro. Ang bayan pa lang ng Boac ang nabigyan ng pangalan at ito rin ang tumayong kapitolyo. Nasa pamumuno ito noon ng isang Cabeza de Barangay, na sumasaklaw ang kapangyarihan sa mga lupaing nasa silangan, hilaga at timog nito.
May isang nayon noon na nasa gawing silangan ng Boac, na bantog na bantog dahil sa isang taong dito’y naninirahan, si Juan. Siya ay isang masipag, matiyaga at mabait na anluagi (karpintero). Nagtatrabaho siya mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw. Gumagawa siya ng mga muebles na yari sa kahoy.
Napabantog siya sa buong bayan, kaya nagpasya ang Cabeza na siya ay puntahan. Kasalukuyan noong nagtatrabaho si Juan. Halos di makapagsalita dahil sa pagkabigla nang makita niya ang pangkat ng Cabeza.
“Magandang araw, Juan” ang sabi ng Cabeza, “balita ko’y bantog ka sa lugal na ito dahil sa iyong kasipagan.”
“Ma-magandang a-araw din po senior,” pautal na sagot ni Juan, “maupo po kayo!”
“Huwag kang matakot Juan, hindi ka namin sasaktan,” paniguro ng Cabeza, “ katunayan narito ako upang magpagawa ng isang aparador. Anung oras ka baga nagasimulang magtrabaho at para yatang kanina ka pa dito.” Usisa ng Cabeza.
“MAAGA PO AH! Maaga po! Ka-Kanina pa pong madaling araw, senior” nangingilig pa ring sagot ni Juan.
Napahalakhak ang Cabeza dahil sa paraan ng pagsagot ni Juan na animo’y natatakot na bata. Halos ulit-ulitin pa niya ang salitang, “MAAGA PO AH!” habang naglalakbay pauwi.
Mula noon ibinansag na ng Cabeza sa lugal na pinagtatrabahuhan ni Juan ang salitang “MAAGA PO AH!”
Sa pagdaan ng maraming taon ng paninirahan ng mga dayuhan at marami na ring mga tao ang lumipat ng panirahan sa pook ni Juan, tinawag ang lugar na “MAGAPUA” na hango sa katagang “MAAGA PO AH!”
No comments:
Post a Comment